Aminado si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na hindi naging madali para sa kanya ang masaksihan ang mga umano’y maling gawain ng ilang mambabatas, lalo na’t minsan na rin siyang nagsilbing kongresista.
Sa isang press briefing kahapon, sinabi ni Remulla na may ilang kongresista umanong ginagamit ang kanilang posisyon para sa pansariling interes. Aniya, mayroon ding mga contractor na ginustong maging mga congressmen para makinabang sa mga proyekto ng pamahalaan mga tinawag niyang “kong-traktor.”
Binigyang-diin ng Ombudsman na panahon na upang matuldukan ang ganitong kalakaran sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon at matibay na ebidensiya upang mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.
Ang pahayag ni Remulla ay kaugnay ng pagsasailalim sa preliminary investigation kina Tarlac Representative Maria Christina Angeles, Pampanga Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr., at Partylist Representative Edwin Gardiola kaugnay ng reklamong paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, partikular sa usapin ng conflict of interest.
Ito ay matapos makakalap ang Office of the Ombudsman ng sapat na mga ebidensya laban sa tatlong kongresista kaugnay ng naturang reklamo.