Pinalalakas ng Bureau of Immigration (BI) ang pakikipagtulungan nito sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya sa Siargao sa layuning mapanatili ang ligtas, maayos, at responsableng turismo sa isla.
Sa pagbisita ni BI Commissioner Joel Viado sa Siargao, inilunsad ang capability-building program para sa mga LGU, tourism officers, barangay officials, at law enforcement agencies. Layunin nitong palawakin ang kaalaman sa mga batas sa immigration, tamang proseso ng pagre-report ng mga paglabag, at mas epektibong koordinasyon ng mga ahensya.
Kasabay nito, iminungkahi ng Land Transportation Office (LTO) ang mas mahigpit na pakikipag-ugnayan sa BI upang matugunan ang mga paglabag sa batas trapiko ng ilang dayuhang motorista, kabilang ang pagmamaneho nang walang lisensya, reckless driving, at driving under the influence.
Ayon sa BI, ang koordinasyong ito ay makatutulong sa pagpapatupad ng naaangkop na legal at immigration actions laban sa mga paulit-ulit na lumalabag sa batas. Binigyang-diin ng BI na nananatiling bukas ang Pilipinas sa mga dayuhang sumusunod sa batas at gumagalang sa lokal na komunidad.
Anila, layunin ng mga hakbang na ito na mapanatiling ligtas, maayos, at kaaya-aya ang Siargao para sa mga residente at mga responsableng bisita ng isla.