Photo courtesy of Philippine Red Cross
Hinimok ni Philippine Red Cross Chairman at CEO Richard Gordon ang mamamayan na matuto ng First Aid at huwag lamang umasa sa CPR upang maging handa sa iba’t ibang emergency.
Ginawa ni Gordon ang pahayag sa pagdiriwang ng ika-10 National CPR Day at paglulunsad ng tatlong buwang Nationwide CPR Caravan 2026 ng PRC na layong sanayin ang 900,000 Pilipino sa CPR at First Aid.
Ayon kay Gordon, mahalaga ang CPR sa pagsagip ng buhay ngunit bahagi lamang ito ng mas malawak na kaalaman sa pagtugon sa mga insidente tulad ng pagdurugo, paso, bali, pagkabulunan, at iba pang aksidente.
Binigyang-diin niya na ang regular na pagsasanay sa First Aid ang makatutulong upang maging mabilis at tama ang pagtugon ng mga mamamayan kapag may emergency.
Inalala rin ni Gordon ang naging papel ng PRC sa panahon ng 1990 Great Luzon Earthquake, kung saan kinailangang tugunan ng mga rescuer ang iba’t ibang pinsala ng mga biktima bukod sa cardiac emergencies. Nanawagan ang PRC chief sa publiko na kumuha ng First Aid training upang mas maraming Pilipino ang maging handang rumesponde at makatulong sa pagliligtas ng buhay.