Personal na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, ang pamamahagi ng Certificates of Entitlement (COEs) sa 100 kwalipikadong benepisyaryo sa Brgy. Iyam, Lucena City sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.
Pormal na kinikilala ng mga iginawad na COE ang karapatan ng mga residente na maangkin ang mga lupang residential na matagal na nilang tinitirhan alinsunod sa Presidential Proclamation No. 436 na inilabas noong 2003.
Pagpapatatag sa Seguridad sa Lupa
Ang pamamahaging ito ay karagdagan sa 185 pamilyang nauna nang napagkalooban sa ilalim ng parehong proklamasyon. Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng pambansang pamahalaan na patatagin ang seguridad sa pagmamay-ari ng lupa sa pamamagitan ng pagpabilis sa pagpapatupad ng mga Presidential Proclamation sa ilalim ng Expanded 4PH Program.
Simula nang muling buhayin ang pamamahagi ng lupa sa ilalim ng iba’t ibang proklamasyon, umabot na sa 684 na pamilya ang nakatanggap ng COEs o Certificates of Lot Award (CELAs) mula sa pamahalaan:
- 228 benepisyaryo: Presidential Proclamation No. 550 (Los Baños, Laguna)
- 58 benepisyaryo: Presidential Proclamation No. 574 (Narra, Palawan)
- 213 benepisyaryo: Presidential Proclamation No. 1538 (Jaro, Iloilo City)
- 185 benepisyaryo: Presidential Proclamation No. 436 (Lucena City, Quezon)
Komitment sa Disente at Ligtas na Tahanan
Ayon kay DHSUD Secretary Aliling, ang pamamahagi ng mga dokumento ay nagpapakita ng matatag na komitment ng administrasyong Marcos Jr. na palawakin ang mga interbensyon sa pabahay upang matiyak na ang mga matagal nang naninirahan ay magkaroon na ng legal na seguridad sa kanilang lupang tinitirhan.
“Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr. ay isinusulong natin ang Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program. Malinaw ang ating direksyon—hindi lamang magpatayo ng mga bagong pabahay, kundi palawakin din ang seguridad sa paninirahan ng mga pamilyang matagal nang naghihintay sa ilalim ng mga Presidential Proclamation,” pahayag ni Secretary Aliling.
Muling tiniyak ng kalihim na ang DHSUD at ang mga nakakabit nitong shelter agencies ay patuloy na magtatrabaho upang mapalawak ang access sa pabahay at magkaroon ng pagkakataon ang mas maraming pamilyang Pilipino na magkaroon ng sariling lupa at tahanan.
“Asahan po ninyo na kami sa DHSUD, katuwang ang aming key shelter agencies, ay patuloy na magsusumikap upang mas maraming pamilyang Pilipino pa ang matulungan magkaroon ng sariling tahanan na disente, mas ligtas at abot-kaya para sa mas may dignidad na pamumuhay,” dagdag pa niya.