Photo courtesy of Bureau of Immigration
Pinalalakas ng Bureau of Immigration (BI) ang kampanya laban sa human trafficking kasabay ng paggunita sa National Anti-Trafficking in Persons Awareness Month.
Nagpadala ang BI ng mga immigration officer sa mga international training sa Thailand at Cebu upang palawakin ang kanilang kaalaman sa pagpigil sa human trafficking, child exploitation, at pagpapalakas ng child protection. Bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang operasyon laban sa mga transnational crime.
Mula Hulyo 13 hanggang 17, dumalo ang mga opisyal ng BI sa Human Trafficking and Child Exploitation Course sa International Law Enforcement Academy sa Bangkok, Thailand.
Layunin nitong palakasin ang kakayahan ng mga kalahok sa pagtukoy, pag-iimbestiga, at pagtugon sa mga kaso ng trafficking at child exploitation, gayundin ang pagpapalawak ng international cooperation laban sa organized crime.
Samantala, dalawang opisyal ng BI ang lumahok sa 18th Global Consultation on Inter-country Adoption and Alternative Child Care na ginanap sa Cebu mula Hunyo 30 hanggang Hulyo 2.
Tinalakay dito ang child protection, etikal na inter-country adoption, at mga hakbang upang maiwasang mabiktima ng trafficking at exploitation ang mga bata.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, mahalaga ang tuloy-tuloy na pagsasanay dahil patuloy ding nagbabago ang mga taktika ng human traffickers. Aniya, bawat training ay nagpapalakas sa kakayahan ng BI na matukoy ang mga biktima, maprotektahan ang mga ito, at mapanagot ang mga trafficker.
Iginiit din ng BI ang patuloy nitong pakikipagtulungan sa lokal at international partners upang higit pang mapatatag ang border security at maprotektahan ang mga mahihinang sektor laban sa human trafficking at iba pang transnational crimes.