Target makumpleto ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ngayong araw ang crediting ng UPLIFT Assistance para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang 4Ps ay bahagi ng Group 1 beneficiaries sa programa bilang karagdagang suporta sa gitna ng idineklarang energy emergency.
Ayon sa DSWD, nagsimula ang crediting kahapon at tatagal hanggang ngayong Martes, July 21, sa mga benepisyaryong may LANDBANK cash card accounts at sa mga gumagamit ng GCash at Maya e-wallets.
Noong July 20, kabilang sa mga nakatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng LANDBANK cash cards ang mga benepisyaryo mula sa NCR, CAR, Regions I, II, III, IV-A, MIMAROPA, V, VI, at VII.
Samantala, na-credit naman sa GCash at Maya ang ayuda ng mga kuwalipikadong benepisyaryo mula sa CAR, CARAGA, Regions I, III, IV-A, MIMAROPA, NCR, V, VI, VIII, X, XI, at XII.
Ngayong July 21, nakatakdang ma-credit ang UPLIFT Assistance ng mga benepisyaryo sa Regions VIII, IX, X, XI, XII, CARAGA, BARMM, at Negros Island Region (NIR) na gumagamit ng LANDBANK cash cards.
Maaaring i-withdraw ng mga benepisyaryo ang kanilang ayuda sa mga piling LANDBANK Servicing Branches at mga ATM, o gamitin ito sa kanilang mga e-wallet, depende sa paraan ng kanilang payout.