Nagsampa na rin ng kasong administratibo sa National Police Commission (NAPOLCOM) ang isang negosyante na nabiktima ng umano’y ‘mistaken identiy’ ng tatlong pulis sa Baliuag, Bulacan.
Sa salaysay ng complainant na si “Jun,” ibinahagi nito ang naranasang trauma nang bigla na lang tangkaing damputin ng umano’y nagpakilalang mga pulis sa labas ng kanyang restaurant, bandang alas-12:30 ng tanghali noong nakaraang Huwebes.
Ayon sa biktima, sinabi lamang sa kanya na mayroon siyang warrant ngunit wala umanong ipinakitang dokumento ang mga ito. Hindi naman umano siya pumayag na isakay ng mga pulis kaya hindi ito naisama.
Matapos ang insidente ay agad siyang sumailalim sa medico-legal examination at nagsampa ng reklamo sa Baliuag City Police Station.
Kinabukasan, kinumpirma umano ng hepe ng San Rafael Police Station na ang mga sangkot ay kanilang intelligence operatives at nagkamali lamang ng target.
Iginiit naman ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Calinisan na maraming ‘red flag’ at paglabag sa tamang police operational procedures na nakita sa insidente.
Aniya, dapat ay maayos na nagpakilala ang mga pulis, ipinaalam ang dahilan ng pag-aresto, binasa ang Miranda Rights, at kung may valid warrant ay hindi na kinakailangang gumamit pa ng panlilinlang gaya ng pagpapanggap na may aksidente sa sasakyan.
Dagdag pa ni Calinisan, iimbestigahan nilang mabuti ang lahat ng anggulo sa kaso.
Bukod sa administrative case, nahaharap din ang mga pulis sa patong patong na kasong kriminal, kabilang ang physical injuries, unjust vexation, at attempted kidnapping.