📷 National Maritime Polytechnic (NMP)
Isang mahalagang hakbang para sa sektor ng paglalayag sa bansa ang matagumpay na naisagawa matapos tapusin ng National Maritime Polytechnic (NMP) at Development Academy of the Philippines (DAP) ang stakeholder validation para sa feasibility study ng panukalang NMP Regional Training Center (RTC) sa Tanza, Cavite.
Nagsama-sama sa Department of Migrant Workers (DMW) Makati Office noong Lunes, Hulyo 20, ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, mga institusyon sa pagsasanay sa paglalayag, mga organisasyon sa industriya, kumpanya ng barko, at grupo ng mga marinong Pilipino upang suriin ang proyekto.
Sa kanyang pahayag, ibinahagi ni NMP Executive Director Victor Del Rosario na noong Agosto 2025 pa nagsimula ang pakikipagtulungan ng NMP sa DAP upang isagawa ang komprehensibong pag-aaral para sa itatayong pasilidad sa Tanza.
“Ang panukalang Regional Training Center ay higit pa sa isang pisikal na pasilidad. Ito ay isang pamumuhunan sa kinabukasan ng maritime training at research sa Pilipinas upang tiyakin na ang de-kalidad na serbisyo ng gobyerno ay mas mailapit sa mga seafarers habang pinapatatag ang posisyon ng bansa bilang nangungunang pinagmumulan ng world-class na mga marino,” pahayag ni Del Rosario.
Ibinahagi rin ni Del Rosario na kasalukuyan na ring isinusulong ng ahensya ang plano para sa isa pang RTC na itatayo naman sa Lungsod ng Davao. Pinasalamatan din nito si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa patuloy na suporta sa mga inisyatibang nagpapalakas sa industriya ng paglalayag sa bansa.
Iniharap ng DAP sa ginanap na oryentasyon ang mga pangunahing natuklasan sa pag-aaral, kabilang ang:
- Strategic Alignment: Pag-akma ng proyekto sa mga pambansang prayoridad sa pag-unlad.
- Market Assessment: Pagsusuri sa demand at pangangailangan ng merkado.
- Plano sa Pasilidad: Mga itatampok na kurso at yugto ng pagpapatayo ng pasilidad.
- Modelong Operasyonal: Mga opsyon sa pagpapatakbo, pananalapi, pati na rin ang mga legal, kapaligiran, at panlipunang konsiderasyon.
Sa ginanap na talakayan, iminungkahi ng mga dumalo ang posibleng paghirang sa NMP bilang isang national assessment center upang lalo pang mapalakas ang competency development at quality assurance sa sektor.
Suporta para sa Seafarers, Hindi Makikipagkumpitensya sa Bribadong Sektor
Binigyang-diin naman ni OIC-Assistant Secretary for Sea-based OFW Concerns at Director IV ng Sea-based Accreditation Bureau Augusto San Diego III, na kinatawan si DMW Secretary Hans Leo Cacdac, na ang itatayong RTC sa Tanza ay nakadisenyo upang kumpletuhin at tulungan—sa halip na kumpitensyahin—ang pribadong sektor.
“Ang papel ng NMP ay higit pa sa pagiging training provider. Ito ay nagtatakda ng pamantayan, tumutugon sa mga pagkukulang sa merkado, at naghahatid ng mga programang nagbibigay-priyoridad sa pampublikong serbisyo bago ang komersyal na pakinabang,” paliwanag ni San Diego.
Dagdag pa ni San Diego, malaki ang maitutulong ng Tanza RTC sa pagbabawas ng oras sa pagbibiyahe at pamasahe ng mga seafarer sa Luzon dahil mas malapit na sa kanilang mga komunidad ang libre at subsidized na pagsasanay mula sa pamahalaan.
Inaasahan na ang pasilidad sa Cavite ay magsisilbi ring sentro ng inobasyon at pananaliksik sa paglalayag upang mas maipagpatuloy ang pagtaas ng antas ng kasanayan at pagiging globally competitive ng mga marinong Pilipino.
Ang NMP, na nakatutok sa ilalim ng DMW, ang tanging institusyon ng pamahalaan sa bansa na nagbibigay ng maritime training at research. Itinatag noong 1978, matatagpuan ang pangunahing pasilidad nito sa Lungsod ng Tacloban habang nagpapanatili naman ng liaison office sa Makati City.