Tiniyak ng Malacañang na mananatiling protektado ang pambansang interes, kalikasan, at ang mga lokal na komunidad sa nakaplanong 1,620-hectare Pax Silica Project sa New Clark City, Capas, Tarlac.
Kasunod ito ng mga naipahayag na pangamba ng ilang sektor hinggil sa suplay ng tubig, pagkakakitaan ng mga magsasaka, at posibleng impluwensya ng mga dayuhan sa nasabing proyekto.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nananatiling matatag ang paninindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na igalang ang soberanya ng bansa at tiyaking alinsunod sa umiiral na mga batas ang bawat kasunduang papasukin ng pamahalaan.
“Sinisigurado po ng Pangulo na lahat po ng gagawin ay naaayon sa batas at hindi po maaaring makasira ito ng ating environment o maka-displace man ng ating mga kababayan nang walang anumang kapalit,” pahayag ni Castro sa isang press briefing sa Malacañang.
Ano ang Pax Silica Project?
Ang Pax Silica ay isang koalisyon ng 14 na bansa sa pamumuno ng Estados Unidos na naglalayong patatagin ang supply chain para sa artificial intelligence (AI), semiconductors, at critical minerals. Inilaan ng Pilipinas ang isang pasilidad sa New Clark City upang maging hub ng AI at mga advanced na imprastraktura ng paggawa sa ilalim ng proyektong ito.
Bagama’t itinuturing itong malaking foward-step upang makaakit ng mga mamumuhunan at mataas na kalidad ng industriya sa bansa, nag-alala ang ilang grupo sa posibleng epekto nito sa kapaligiran, karapatan sa lupa, at seguridad sa tubig.
Sapat na Suplay ng Tubig at Proteksyon sa Kalikasan
Tungkol sa pangamba sa suplay ng tubig na kumalat sa social media, kinumpirma ng Malacañang na nakipag-ugnayan sila sa National Water Resources Board (NWRB).
Ayon sa NWRB, sapat ang kasalukuyang pinagmumulan ng tubig sa lugar para sa mga kakailanganin ng pasilidad nang hindi naaapektuhan ang suplay ng mga nakapaligid na komunidad. Tiniyak ng ahensya na mananatiling pangunahing priyoridad ang pangangailangan ng mamamayan.
Magsasagawa rin ng magkakasamang pagbabantay sa paggamit ng tubig ang NWRB, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Bukod dito, hihingian ng DENR ang proyekto ng Environmental Impact Statement at Environmental Management Plan bago ito ganap na ipatupad.
Soberanya at Suportang Pangkabuhayan sa mga Magsasaka
Nilinaw din ni Castro ang stands ng pamahalaan kaugnay ng pangamba sa dayuhang kontrol at posibleng pagpapalayas sa mga magsasaka:
- Soberanya ng Bansa: Inulit ni Castro ang paulit-ulit na pahayag ng Pangulo: “Sinabi naman din po ng Pangulo noon na we will not surrender even a square inch of our territory to any foreign power.” Binigyang-diin niya na nag-aapply ito sa lahat ng bansa at walang exemption.
- Kabuhayan ng Magsasaka: Tiniyak ng gobyerno na kung sakaling magkaroon man ng relokasyon o maapektuhan ang lokasyon ng mga magsasaka, magbibigay ang pamahalaan ng alternatibong mapagkakakitaan. Gayunman, nilinaw ni Castro na sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang displacement sa nasabing lugar.