Tiwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na sinadyang buyuin ng China Coast Guard (CCG) ang mga sundalong nakaposte sa BRP Sierra Madre sa pinakabagong engkwentro sa Ayungin Shoal, kamakalawa.
Ito ang iginiit ni AFP Spokesperson for the West Philippine Sea, retired RAdm. Roy Vincent Trinidad matapos masugatan ang dalawang Navy personnel dahil sa panghahataw sa kanila ng kahoy na baton ng CCG personnel.
Sa panayam kay Trinidad sa Kampo Aguinaldo, sinabi nito na intensyong lumapit ng CCG personnel sa sakay ng rigid hull inflatable boat sa layong 30 metro mula sa BRP Sierra Madre.
Paniwala ni Trinidad, ginawa ito ng China upang mapagtakpan ang kanilang pagkapahiya sa kanilang claim sa Batanes gayundin ang pagpapalabas ng racist video ng kontrolado nilang media, na naghahambing sa mga Pilipino bilang unggoy.
Una rito, naglabas ng kanilang sariling bersyon ang Embahada ng Tsina sa Pilipinas hinggil sa mga nangyari noong Lunes kung saan, pinalalabas na ang mga Pilipino ang unang umatake sa kanilang mga tauhan.
Hamon naman ni Trinidad sa Chinese Embassy, ipakita ang kabuuan ng video at iginiit na hindi dapat sila naroon dahil nasa loob iyon ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas.