Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dating bomber ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sinasabing sangkot sa high profile incident sa Maguindanao del Sur.
Kinilala ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office ang naturang dating BIFF bomber na si Muslimin Amilil na naaresto kahapon sa Purok 3, Barangay Tukanalipao sa Mamasapano.
Inaresto siya batay sa mga warrant of arrest para sa mga kasong murder, frustrated murder, robbery, attempted murder, at double murder with multiple frustrated murder, na ilan ay walang inirekomendang piyansa.
Sinasabing sangkot si Amilil sa pananambang sa mga tauhan ng PNP sa Shariff Aguak noong March 28 na ikinasawi naman ng lima gayundin sa malagim na Mamasapano Massacre noong 2015 ng tinaguriang SAF 44.
Dagdag pa ng pulisya, dating BIFF bomber si Amilil sa ilalim ni Zainodin Kiaro at naging estudyante umano nina Abdul Basit Usman gayundin ng Malaysian terrorist na si Marwan.
Itinuturing din siyang senior adviser ng Panenekelan Criminal Gang at iniuugnay sa Dawlah Islamiyah-Hassan Group.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Mamasapano Municipal Police Station si Amilil para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.