Nagbabala ang Estados Unidos sa posibleng epekto sa pandaigdigang ekonomiya ng umano’y banta ng Iran sa malayang paglalayag sa Strait of Hormuz, kasabay ng muling pagtitiyak ng matatag na suporta nito sa ASEAN sa ginaganap na ASEAN Post-Ministerial Conference, ngayong araw.
Sa kanyang opening statement, sinabi ni US Secretary of State Marco Rubio, na hindi dapat payagang kontrolin ng ano mang bansa ang isang international waterway o maningil ng toll sa mga dumaraang barko.
Aniya, kapag nalagay sa panganib ang freedom of navigation, maaapektuhan hindi lamang ang pandaigdigang kalakalan kung hindi maging ang ekonomiya ng buong mundo.

Iginiit din ni Rubio, na nananatiling bukas ang Estados Unidos sa diplomasya at negosasyon sa Iran, ngunit kailangan umanong tuparin ang kanilang mga napagkasunduan.
Kasabay nito, kinilala ng Estados Unidos ang ASEAN bilang pangunahing sentro ng paglago ng pandaigdigang ekonomiya. Ayon kay Rubio, sa rehiyong ito huhubugin ang kasaysayan at hinaharap ng ika-21 siglo.
Muli namang tiniyak ng US ang pang matagalang pakikipagtulungan sa ASEAN, kabilang ang bilyong dolyar na pamumuhunan sa imprastraktura, enerhiya, supply chain, at seguridad ng rehiyon.
Binigyang-diin ng Estados Unidos, na mananatili itong maaasahan at pang matagalang katuwang ng ASEAN sa pagsusulong ng seguridad, katatagan, at kaunlaran ng rehiyon sa mga susunod na dekada.
Inaasahan namang ngayong araw din isasagawa ang ASEAN Post-ministerial conference kasama ang Russia, China, European Union, at iba pang mga bansa.