Hindi na kailangang patunayan ng House prosecution panel ang tiyak na pagkakakilanlan ng sinasabing assassin o mamamatay-tao na kinausap ni VP Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito ang naging malinaw na pahayag ng prosekusyon kasunod ng ulat mula kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na mayroon na silang mga persons of interest kaugnay sa naturang pagbabanta, bagama’t hindi pa maaaring ibunyag ang mga pangalan ng mga ito.
Binigyang-diin ni Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. na malinaw ang naging testimonya ng NBI director sa witness stand na 100% ang paniniwala nitong may tunay na nakipag-usap na mamamatay-tao sa Bise Presidente.
Pinatunayan din umano ng imbestigasyon ng NBI na hindi lang ito basta salita kundi mayroon nang kongkretong plano.
Dagdag pa ni Tolosa, sineryoso ng mga awtoridad at mismong ni Pangulong Marcos ang naturang mga pahayag dahil banta na rin ito sa national security.