Pormal nang tinapos ng House Prosecution Panel ang paghaharap ng mga ebidensya para sa impeachment charge laban kay VP Sara Duterte kaugnay ng umano’y pagbabanta nito sa buhay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Ito ay matapos magwakas ang testimonya ng kanilang huling testigo na si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.
Inihayag ni Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro sa Senate Impeachment Court na hindi na nila kailangang isailalim si Matibag sa redirect examination dahil ito ay “unnecessary” na at sapat na ang mga nasabi.
Ayon sa prosecution, ang mga sinabi ni Matibag ay kukumpleto sa testimonya ni NBI Senior Agent John Mark Calilung at NBI Regional Director Jeremy Lotoc.
Pinanindigan ni Matibag ang pagsusuri ng NBI na hindi pwedeng ipagwalang-bahala ang mga pahayag na nagbabanta sa pambansang seguridad.
Sinabi rin niya na patas ang NBI sa pag-iimbestiga ng mga banta sa matataas na opisyal dahil dalawang beses na pinadalhan ng subpoena o imbitasyon ng NBI ang Bise Presidente upang makuha ang kanyang panig kaugnay ng sinasabi nitong banta rin sa kanyang sariling buhay, ngunit hindi ito sumipot.
Ipinaliwanag ng NBI chief na sa larangan ng impeachment, ang pag-amin pa lamang sa publiko na kumuha siya ng taong papatay ay sapat nang dahilan para magkaroon ng betrayal of public trust, mahanap man o hindi ang mismong taong inatasan.
Binigyang-diin din niya sa kanyang testimonya na nakatutok ang binuong task force dahil sa epekto nito sa pambansang seguridad.
May mga natukoy na rin silang “persons of interest” na patuloy na binabantayan at iniimbestigahan ng NBI.