Mas pinaigting ng ASEAN at European Union (EU) ang panawagan para sa mas matibay na kooperasyon, kasabay ng lumalalang mga hamon sa seguridad, ekonomiya, at pandaigdigang hidwaan.
Sa ASEAN Post-Ministerial Conference with the European Union sa Maynila, sinabi ni Brunei Foreign Minister Prince Abdul Mateen na hindi na kayang tugunan ng isang bansa lamang ang mga kumplikadong suliranin sa mundo. Aniya, mahalaga ang mas matatag na pagtutulungan ng ASEAN at EU upang makapaghatid ng konkretong benepisyo sa kanilang mga mamamayan.
Samantala, inihayag ni European Union High Representative for Foreign Affairs and Security Policy Kaja Kallas na patuloy na susuportahan ng EU ang Ukraine sa gitna ng nagpapatuloy na digmaan laban sa Russia. Binigyang-diin niya na nananatiling seryosong banta sa seguridad ng Europa ang naturang sigalot kaya mahalaga ang pagkakaisa ng mga kaalyadong bansa nito.
Iginiit din ni Kallas na sa harap ng mga krisis sa buong mundo, kabilang ang mga hamon sa ekonomiya at seguridad, hindi na lamang isang opsyon kundi isang pangangailangan ang mas malalim na alyansa ng European Union at ASEAN.
Sa umpisa ng pulong kapwa ipinunto na layunin ng dalawang rehiyon na isulong ang mas konkretong kooperasyon bilang paghahanda sa pag-angat ng ugnayan ng ASEAN at EU sa Comprehensive Strategic Partnership at sa pagdiriwang ng ika-50 taon ng kanilang dialogue relations pagsapit ng 2027. | ulat ni Ej Lazaro