Muling kakalkulahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang posibleng dagdag-pasahe matapos ang panawagan ng grupong Manibela at nakabinbing petisyon ng PISTON para sa ₱10 fare hike.
Sa inilabas na pahayag ng LTFRB, isinagawa ang hakbang sa utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez.
Isasaalang-alang sa magiging desisyon ang kakayahan ng mga pasahero na tanggapin ang dagdag-gastos sa pamasahe, gayundin ang posibleng epekto nito sa presyo ng pangunahing bilihin at serbisyo.
Sa halip na pansamantalang dagdag-pasahe dahil sa paggalaw ng presyo ng langis, tiniyak ng ahensya na maglalabas ito ng pinal na resolusyon sa lalong madaling panahon.
Samantala, magpapatuloy ang fuel discount program para sa mga pampublikong sasakyan.
Habang pinag-aaralan din ng LTFRB ang pagpapalawak ng saklaw nito at posibleng pagtaas ng halaga ng ayuda sa mas maraming PUV operators at drivers.