Nakarating na sa Palawan ang BRP Melchora Aquino kung saan nakasakay ang dalawang Pilipinong sundalo na sugatan matapos hatawin ng China Coast Guard malapit sa BRP Sierra Madre.
Ayon kay PCG Spokesperson on West Philippine Sea Rear Admiral Jay Terriela, alas-otso kaninang umaga nang dumating sa Oysters Bay sa Palawan ang PCG vessel at ipinasa sa AFP ang mga biktima.
Bago ito, agad nagsagawa ng medical evacuation ang PCG at pinuntahan ang mga sugatang sundalo na nagtataboy sa umaaligid na China Coast Guard sa BRP Sierra Madre.
Sinabi ni Tarriela na isa sa mga sugatang sundalo ay mayroong 6-7 centimeters na sugat sa ulo.
Sa pag-rescue ng PCG ay namataan nila ang apat na CCG vessel sa paligid ng BRP Sierra Madre at isa sa mga ito ay nag-deploy ng rigid hull boat na bumubuntot sa kanila.
Iginiit ni Tarriela na hindi nila kailangan na humingi ng permiso sa pagsasagawa ng operation doon dahil ito ay teritoryo ng Pilipinas at lalo pa’t pagre-rescue ang kanilang misyon.