Nagpaabot ng pagbati ang Philippine National Police (PNP) sa bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Gen. Antonio Nafarrete.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., higit pang mapagtitibay ng pulisya ang pakikipagtulungan at ugnayan nito sa Sandatahang Lakas habang nagsisimula ang panibagong yugto sa ilalim ng liderato ni Gen. Nafarrete
Naka-angkla aniya ito sa naisin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang nagkakaisang hakbang para protektahan ang sambayanang Pilipino at pangalagaan ang pambansang seguridad.
Binigyang diin pa ng PNP Chief, na mananatili silang kaisa ng AFP sa ilalim ng liderato ni Nafarrete sa pagtugon sa insurhensya, terorismo, organized crime, disaster response at iba pang usaping pangseguridad.
Nagpasalamat din si Nartatez kay dating AFP Chief Romeo Brawner Jr. sa pagpapatibay nito ng ugnayan ng PNP at AFP sa ngalan na rin ng pambansang pagkakaisa.