Malaking tulong ang bagong programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) sa mga bulnerableng pamilya na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng halaga ng mga pangunahing bilihin.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Marilyn Alcovindas, isang benepisyaryo ng 4Ps, ibinahagi nito na natanggap na niya ang dagdag na P2,000 tulong-pinansyal sa kanila bilang isang kwalipikadong miyembro ng programa.
Aniya, tumawag sa kaniya ang opisyal ng DSWD na nakasasakop sa kanilang lugar at sinabi nito na pumasok na sa kaniyang cash card ang karagdagang tulong pinansyal.
Ayon kay Marilyn, malaking tulong ito sa pang-araw-araw nilang gastusin lalo na sa pag-aaral ng kaniyang mga anak.
Lubos din ang pasasalamat ni Marilyn sa programa ng DSWD at ng pamahalaan dahil sa mahigit 10 taon na pagiging miyembro ng 4Ps simula noong maliliit pa ang kaniyang apat na anak.
Samantala, nanawagan din si Marilyn sa kapwa niyang 4Ps members at iba pang mga benipisyaryo na gamitin nang wasto ang tulong-pinansyal na natatanggap mula sa gobyerno.