Pinagsabihan ng Senate Impeachment Court si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag dahil sa mga nauna nitong pahayag na may kinalaman sa ilang senator-judges na humahawak sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Inilahad ni Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang paalala at pagsita kay Matibag bago pa man ito tumestigo sa witness stand.
Ayon kay Escudero, hinihiling ng impeachment court kay Matibag na iwasan ang pagbibigay ng mga pahayag na tumutukoy sa mga indibidwal na miyembro ng impeachment court o sa senator-judges.
Sinabi rin ng presiding officer, na maaaring ipagpatuloy ng NBI ang kanilang mga imbestigasyon pero hindi na kinakailangang maglabas ng mga pahayag na maaaring maka-impluwensya o makasira sa independence at integridad ng impeachment court o ng mga senator-judge.
Nauna nang umalma sina Senator-judge Alan Peter Cayetano at Pia Cayetano sa pahayag ni Matibag, na iimbestigahan ng NBI ang umano’y mga iregularidad sa infrastructure projects kaugnay ng pagho-host ng Pilipinas sa Southeast Asian (SEA) Games noong 2019, kung saan isinasangkot si Senator-judge Alan.
Kaugnay nito, nilinaw ni Escudero na ang mga pahayag at pagtutol ng magkapatid na Cayetano noong July 15 tungkol sa mga pahayag ni Matibag at sa news video na iniharap sa impeachment court ay ire-refer sa Senado bilang isang legislative body.
Ipapasa aniya ito sa Rules Committee ng Senado para sa nararapat na pagtalakay at aksyon, at hindi na ito tatalakayin sa loob ng impeachment court.