Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang pagkakaroon ng census sticker ay hindi nangangahulugang awtomatikong benepisyaryo na ng UPLIFT Assistance, partikular sa Group 2 o mga poor at near-poor households.
Ang paglilinaw ay kasunod ng pagdami ng mga social media post kung saan ibinabahagi ng ilang netizens ang larawan ng kanilang census stickers sa paniniwalang kabilang na sila sa mga tatanggap ng ayuda.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, hindi automatic ang enrollment sa UPLIFT Assistance dahil lamang sa pagkakaroon ng census sticker.
Aniya, ang opisyal na listahan ng mga benepisyaryo ay mula sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) at sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS), kung saan tinukoy ang mga poor, near-poor, at iba pang kwalipikadong kabahayan.
Nilinaw rin ng DSWD kung paano malalaman ng publiko kung sila ay kabilang sa mga benepisyaryo ng programa.
Para sa Group 1 (4Ps at Walang Gutom Program beneficiaries) – Makakatanggap ng text message bilang abiso.
Ang Group 2 (Poor at near-poor households) naman na una nang isinailalim sa validation noong nakaraang buwan at kokontakin ng kanilang lokal na pamahalaan (LGU) para sa payout schedule habang ang Group 3 (low income earners) ay makakatanggap ng opisyal na notification sa kanilang My.SSS account.