PCG
Tinuligsa ng Armed Forces of the Philppines (AFP) ang naging pahayag ng Chinese Embassy sa Pilipinas na pinayagan nito ang isinagawang medical evacuation ng Philippine Coast Guard (PCG) sa 2 sundalong nasugatan sa pinakahuling insidente as West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ng AFP na hindi kailangang humingi ng permiso kahit kaninong bansa ang Pilipinas dahil nangyari ito sa loob mismo ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa sa nasabing karagatan.
Malinaw anila itong nakasaad sa 2016 Arbitral ruling na naipanalo ng Pilipinas kontra sa China gayundin sa mga itinatakda naman ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Kasunod nito, pinapurihan ng AFP ang Coast Guard sa kanilang propesyunalismo at agarang pagtugon sa emergency na nagresulta sa matagumpay na medical evacuation sa karagatan.
Magugunitang sinagip ng PCG ang 2 tauhan ng Navy na nasugatan matapos hatawin ng kahoy na baton ng CCG personnel habang itinataboy ang mga ito sa layong 30 metro mula sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. | ulat ni Jaymark Dagala