Sinabi ni Impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol na tatagal sa buong impeachment trial ang admonishment o pagpapaalala ni Impeachment Court Presiding Officer kay NBI Director Melvin Matibag laban sa paglalabas ng ano mang pahayag na makakaapekto sa integridad ng sino mang senator judge.
Ito ang nilinaw ni Tongol kasabay ng paggiit na hindi naman ito maituturing na gag order laban kay Matibag.
Sinabi ng tagapagsalita na layon ng admonishment na maiwasan ang mga pahayag na posibleng makasira sa Impeachment Court.
Gayunman, nilinaw rin ni Tongol na pwede namang maglabas ng mga impormasyon ang NBI na may kinalaman sa kanilang mga imbestigasyon kung may sapat o matibay nang batayan.
Samantala, tiniyak ni Tongol na hindi naman makakadulot ng delay sa impeachment proceedings ang pagbabago sa schedule ng impeachment trial dahil kadalasan naman aniyang hanggang limang oras talaga tumatagal ang pagdinig.
Simula sa July 29, itatakda na ang impeachment trial ng 10AM hanggang 3PM mula Lunes hanggang Miyerkules habang 4PM naman ang regular session ng Senado.