Pinagtibay ng South Korea at mga bansang kabilang sa Mekong region ang kanilang pangako na palakasin ang pagtutulungan sa gitna ng lumalalang hamon sa ekonomiya, seguridad, at kalikasan sa isinagawang 14th Mekong-ROK Foreign Ministers’ Meeting.
Sa pulong, tiniyak ni South Korean Foreign Minister Cho Hyun na mananatiling matatag na katuwang ang Republic of Korea sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon. Aniya, magsisilbing gabay ang pagpupulong upang higit pang mapalalim ang kooperasyon sa pagharap sa mga isyu tulad ng climate change, transnational crime, supply chain disruptions, at digital transformation.
Samantala, nagbabala naman si Thailand Deputy Prime Minister at Foreign Minister Sihasak Phuangketkeow na ang mga suliraning gaya ng kakulangan sa tubig, polusyon sa hangin, at transnational crime ay hindi humihinto sa hangganan ng mga bansa. Dahil dito, iginiit niya ang pangangailangan ng mas mabilis at nagkakaisang pagtugon sa ilalim ng Mekong-ROK framework.
Nagkasundo ang mga kalahok na ipagpatuloy ang pagpapalakas ng kanilang partnership sa pamamagitan ng mga konkretong inisyatiba at isang mas malinaw na plano ng pagkilos upang maging mas matatag at handa ang Mekong subregion sa mga hamon ng hinaharap. | ulat ni Ej Lazaro