Tutol ang ilang mga senador sa hiling ng Office of the Vice President (OVP) na ipasagot sa Senado ang gastusin para sa pagkain at inumin ng buong defense team ni Vice President Sara Duterte.
Una na kasing lumiham si VP Sara kay Senate President Sherwin Gatchalian para ipasagot sa senado ang pagkain at inumin ng defense team at hiniling pa nitong dapat accredited caterer lang ng OVP ang payagan.
Giit ni Senador Ping Lacson, tutol siya sa hiling ng OVP dahil kwestyunable at iregular ito para sa Senado.
Aniya, may sariling caterer ang mataas na kapulungan na sumailalim sa regular bidding process at ang hirit na i-accommodate ang caterer ng OVP at sagutin pa ang gastusin sa pagkain defense team, support staff at mga testigo ay maaaring paglabag sa Government Procurement Law.
Samantala, sinabi naman ni Senador Erwin Tulfo na napagusapan nila ang isyung ito sa majority caucus kagabi at kinukwestyon ng mga senador kung bakit ang Senado ang sasagot sa catering ng OVP.
Mayorya aniya ay nirereject ang request na ito dahil wala silang pagkukunan ng budget para dito at posible ring masita sila tungkol dito. | ulat ni Nimfa Asuncion