Nagpasalamat si Bureau of Customs o BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa mga importer, exporter, at iba pang trade stakeholders sa kanilang patuloy na pagsunod sa customs laws at responsableng kalakalan.
Ayon sa BOC, mula January hanggang June 2026, umabot sa ₱491.748 bilyon ang kanilang nakolektang kita—₱11.478 bilyon o 2.4% na mas mataas kaysa sa target.
Sinabi ni Commissioner Nepomuceno na ang tagumpay na ito ay bunga ng pagtutulungan ng BOC at ng trading community, na nakatulong sa pagpapabilis ng lehitimong kalakalan at pagsuporta sa mga layunin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Binigyang-diin din niya na ang tiwala, kooperasyon, at responsableng kalakalan ng mga importer at exporter ay mahalaga sa paglago ng ekonomiya, paglikha ng mga oportunidad, at pagpapalakas ng serbisyo ng customs.
Tiniyak naman ng BOC na ipagpapatuloy nito ang pakikipagtulungan sa trading community upang mapadali ang lehitimong kalakalan, mapangalagaan ang kita ng pamahalaan, at maisulong ang modernisasyon ng ahensya. | ulat ni DK Zarate