📷 DMW
Binisita ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong Hulyo 22, 2026 ang pamilya ng Filipinong tripulanteng nasawi sa insidente sa Black Sea upang personally na ipaabot ang pakikiramay at agarang suporta ng pamahalaan.
Pinangunahan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac ang pagtungo sa Batangas kasama ang iba pang opisyal ng DMW at OWWA upang personal na kausapin ang pamilya ng naulilang marino.
“Narito po kami upang ipaabot ang pakikiramay ng ating mahal na Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at upang alalayan kayo sa panahong ito ng inyong matinding pagdadalamhati,” pahayag ni Secretary Cacdac.
Mabilis na Repatriation at Suporta sa Mag-anak
Tiniyak ng Kalihim na kasalukuyan nang ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang proseso upang mabilis na maiuwi sa Pilipinas ang labi ng nasawing tripulante.
Bukod sa pagpauwi sa labi, naglatag din ang DMW at OWWA ng mga komprehensibong tulong para sa buong pamilya:
- Para sa kapatid sa Dubai: Tutulungan ng DMW na mapalawig ang leave of absence nito at sasagutin ng Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai ang kaniyang flight ticket pauwi ng bansa.
- Para sa kapatid na marino: Aayusin ng mga ahensya ang pagsalubong at paghahatid sa kaniya pauwi sa pamilya.
- Para sa mga anak na naghahanap ng trabaho: Iuugnay sila sa Public Employment Service Office (PESO) upang makahanap ng angkop na kabuhayan.
- Para sa mga anak na nag-aaral: Magkakaloob ang OWWA ng kaukulang tulong-pinansyal at edukasyon.
‘Legasiya ng Bayani’
Ayon pa kay Secretary Cacdac, nananatili ang utos ng Pangulo na tiyaking hindi pababayaan ang mga naiwan ng ating mga bagong bayani.
“Ayon sa Pangulo, ipagpapatuloy natin ang legasiya ng inyong anak, asawa, at ama sa pamamagitan ng pagbibigay ng ganap na tulong sa inyong pamilya,” dagdag ng Kalihim.
Mula sa burol hanggang sa pormal na paghahatid sa huling hantungan, nangako ang DMW at OWWA na patuloy na aalayan ang mag-anak. Lubos naman ang pasasalamat ng pamilya sa mabilis na pag-alalay ng pamahalaan sa gitna ng kanilang labis na kalungkutan. “Maraming salamat po,” emosyonal na pahayag ng ama ng nasawing Marino.