Nagbigay na ng kautusan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa pagpapalabas ng isang bilyong pisong allotment na magagamit para sa Project NOAH.
Ito ang Nationwide Operational Assessment of Hazards (NOAH) na isang mahalagang disaster risk reduction and management program na magpapalakas sa kapasidad ng bansa para ma- monitor, ma-assess at makaresponde sa mga natural hazards.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may direktiba na si Pangulong Marcos kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert de Leon para mailabas na ang pondo na gagamitin sa proyekto sa pamamagitan ng artificial intelligence ay maisasagawa ang real-time hazard monitoring at maagang pagtukoy sa posibleng pagbaha.
Makatutulong, ani Castro, ang programa para sa mas maagang paghahanda at mabilis na kilos ng pamahalaan bago pa lumala ang sitwasyon dulot ng mga kalamidad.
Gagamitin din ang pondo para sa pagbili ng mga kinakailangang kagamitan at teknolohiya, gayundin sa pagkuha ng mga eksperto na kailangan para maisakatuparan ang proyekto.