Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi humihinto ang gobyerno sa ilalim ng kanyang administrasyon upang mas lalo pang mapalakas ang technical-vocational education and training.
Sa mensahe ng Pangulo sa 58th Commencement Exercise ng Pamantasan ng Lunsod ng Maynila (PLM), sinabi nitong mahalagang matutukan ang technical-vocational education and training gayung nagbibigay din ito ng pantay na pagtahak tungo sa empleyo at kabuhayan.
Idinagdag ng Pangulo na sa pamamagitan ng Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay patuloy na nagsusumikap ang pamahalaan para makapili ang mga kabataaan ng landas na pinakaangkop sa kanilang mga kasanayan at mithiin.
Sa lahat ng ito ay binigyang-diin ng Presidente na ang bawat Pilipinong nakapagtatapos ng mataas na edukasyon o pagsasanay ay kumakatawan sa higit pa sa isang diploma o certificate na kanilang nakuha.
Ang bunga aniya ng edukasyon ay ang mas abot-kamay at de-kalidad na pagkakataong maaaring maibigay sa bawat Pilipino.