Pag-aaralan ng gobyerno kung kailangang baguhin ang istratehiya ng Pilipinas laban sa patuloy na agresyon at pambabastos ng China, sa loob ng teritoryo ng Pilipinas.
Pahayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro, kasunod ng panibagong insidente kung saan sinaktan ng Chinese Coast Guard personnel, ang Philippine Navy personnel sa Ayungin Shoal.
Sa kabila ng mga serye ng probokasyon at pambabastos ng China, nananatili ang posisyon ng administrasyon na hindi nadadaan sa dahas o komprontasyon ang pagsusulong sa karapatan ng Pilipinas.
Aniya, hindi naka-base sa laki ng teritoryo o lakas ng military force ang pagprotekta sa sovereign rights ng bansa, bagkus ay sa paninindigan nito sa katotohanan at international law.
“Sa panahon po ngayon ay kailangan pong aralin din ng Pangulo pero hindi po nadadaan sa dahas ang anumang pakikipaglaban sa karapatan. Hindi pinag-uusapan dito ang laki ng iyong teritoryo, ang lakas ng iyong puwersa kung hindi pakikipaglaban sa katotohanan at kung ano ang iyong karapatan,” pahayag ni Castro.
Kung matatandaan, una na ring kinondena ng Malacañang ang insidente at kinontra ang naratibo ng Chinese Embassy na ang mga Pilipino pa umano ang nanamantala sa kanilang mga tauhan.
Nakipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Armed Forces of the Philippines (AFP), para sa mga kailangang detalye upang maglunsad ng karampatang diplomatic action laban sa China.