Isinusulong sa Senado ang mga panukalang magpapalakas sa pagpapatupad ng Republic Act No. 9136 o Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA), kasabay ng panawagang suriin kung natupad ba nito ang layunin nitong magbigay ng maaasahan at abot-kayang suplay ng kuryente.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Energy, sinabi ni Committee Chairman Erwin Tulfo na panahon na para magkaroon ng tapat na pagsusuri sa mahigit dalawang dekadang implementasyon ng EPIRA.
Ayon kay Tulfo, dapat tanungin kung naihatid ba ng batas ang mga ipinangako nito o kung kinakailangan na itong amyendahan para matugunan ang kasalukuyang kalagayan ng sektor ng enerhiya.
Binigyang-diin ng senador na nananatiling hamon ang mataas na singil sa kuryente at hindi matatag na suplay ng kuryente.
Aniya, mahalaga ang maaasahan at abot-kayang kuryente sa paglago ng ekonomiya, serbisyong pampubliko, edukasyon, kalusugan, at pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat pamilyang Pilipino.
Samantala, nanawagan naman si Senate President Sherwin Gatchalian na palakasin ang kapangyarihan ng Energy Regulatory Commission (ERC) para mas maprotektahan ang mga konsyumer laban sa labis na singil sa kuryente.
Sa senate hearing, iminungkahi ni Gatchalian na taasan ang mga multa na maaaring ipataw ng ERC sa mga lumalabag na power companies, dahil hindi pa aniya nababago ang mga ito mula nang maisabatas ang EPIRA.
Iginiit din ni Gatchalian na dapat dagdagan ang pondo at teknikal na kakayahan ng ERC para masusing masuri ang lahat ng ipinapasa na singil sa mga konsyumer at matiyak na makatwiran lamang ang mga ito.
Hinimok din niya ang ERC na ipagpaliban o paghati-hatiin ang pagpapatupad ng mga dagdag-singil sa kuryente sa halip na isabay ito sa pagtaas ng presyo ng langis, para mabawasan ang pasanin ng mga mamamayan na apektado na ng tumataas na gastusin sa transportasyon at iba pang pangunahing pangangailangan. | ulat ni Nimfa Asuncion