Nanawagan ang Pilipinas ng mas matibay na pagkakaisa ng mga bansa sa rehiyon at pagpapanatili ng isang rules-based international order sa pagbubukas ng ika-16 na East Asia Summit Foreign Ministers’ Meeting ngayong July 23.
Sa kanyang opening statement, binigyang-diin ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na hindi kayang harapin ng alinmang bansa nang mag-isa ang lumalalang geopolitical volatility at iba pang pandaigdigang hamon.
Dagdag pa ng kalihim, mahalaga ang sama-samang pagkilos upang matugunan ang mga krisis, kabilang ang mga sigalot, epekto ng pandemya, climate change, at umuusbong na teknolohiya.
Iginiit din ng Pilipinas ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kapayapaan sa pamamagitan ng isang rules-based order na nakabatay sa international law at multilateral cooperation. Ayon kay Lazaro, mahalagang manatiling bukas, inklusibo, at nakabatay sa konsultasyon ang East Asia Summit upang mapanatili ang katatagan at seguridad sa rehiyon.
Bukod sa 11 bansang kasapi ng ASEAN, kalahok din sa East Asia Summit ang Australia, China, India, Japan, New Zealand, Republic of Korea, Russia, at Estados Unidos, na patuloy na nakikipagtulungan sa ASEAN sa mga usaping may kinalaman sa kapayapaan, seguridad, at kaunlaran ng rehiyon. | ulat ni Ej Lazaro