Maglalabas ang Department of Justice ng isang Department order sa susunod na linggo para tugunan ang mga reklamo ng bullying laban sa mga bata at Menor de edad.
Sa press briefing sa DOJ, sinabi ni Usec. Ian Norman Dato, napapanahon ito dahil nagbukas na at nagsimula na ang klase sa buong bansa.
Sa ilalim ng department order ay inaatasan ang local prosecution office at DOJ action center na tumanggap ng mga reklamo ng bullying.
Paliwanag ni Dato, ito ay isang dagdag mekanismo para matugunan ang mga problema ng bullying sa mga eskwelahan lalo na kung pakiramdam ng batang biktima at kaniyang mga magulang ay hindi masyadong natututukan o nabibigyang pansin ang reklamo.
Ibig sabihin, maliban sa paaralan at pulisya, may iba pang ahensiya ng pamahalaan silang malalapitan.
Ayon kay Dato, mandato ng local prosecution office na i-assess, mamagitan, irefer sa eskwelahan o sa women and protection and children protection desk ng PNP, o kaya ay tanggapin at i-docket na ang complaint kung meron mang kailangang case build up. | ulat ni DK Zarate