Wala pang nakikitang agarang posibilidad ang ASEAN para sa pagbabalik ng Myanmar sa mga opisyal na ministerial meetings ng samahan, ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro, habang nananatiling pangunahing batayan ang Five-Point Consensus sa pagtugon sa krisis sa bansa.
Sa pagtatapos ng 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting and Related Meetings sa Maynila, sinabi ni Lazaro na patuloy na sinusuri ng ASEAN ang pagsunod ng Myanmar sa Five-Point Consensus. Kabilang dito ang pagbuo ng mga benchmark upang matukoy kung may tunay na pag-unlad sa pagpapatupad ng mga napagkasunduan.
Inihayag din niya na pangungunahan ng Pilipinas ang isang humanitarian mission sa Myanmar sa ikaapat na quarter ng taon upang maghatid ng tulong sa mga vulnerable communities, katuwang ang AHA Centre, United Nations agencies, at iba pang humanitarian organizations.
Ayon kay Lazaro, nananatiling bukas ang ASEAN sa pakikipag-ugnayan sa Myanmar, ngunit ang anumang pagbabalik nito sa mga opisyal na pagpupulong ng samahan ay nakadepende sa makabuluhang pagsunod sa Five-Point Consensus.