Pagkakaisa, kooperasyon, at pagsunod sa international law.
Ito ang naging pangunahing mensahe sa magkakasunod na pagpupulong ng ASEAN at mga dialogue partners sa buong magdamag kahapon (July 23) bilang bahagi ng ika-59 na ASEAN Foreign Ministers’ Meeting (AMM), kung saan tinalakay ang seguridad, katatagan ng ekonomiya, at sama-samang pagtugon sa lumalalang pandaigdigang hamon.
Sa 27th ASEAN Plus Three Foreign Ministers’ Meeting, binigyang-diin ng Pilipinas ang kahalagahan ng mas matibay na pagtutulungan upang matugunan ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan, kabilang ang banta sa seguridad sa pagkain, enerhiya, at supply chain. Nagkaisa rin ang South Korea at China na kailangang palakasin ang regional cooperation sa gitna ng mga hamong ito.
Sa 33rd ASEAN Regional Forum, itinampok naman ng Pilipinas ang maritime security, cybercrime, at online scams bilang mga pangunahing prayoridad, habang sa East Asia Summit Foreign Ministers’ Meeting ay nanawagan ito ng mas matatag na pagkakaisa at pagpapanatili ng isang rules-based international order na nakabatay sa international law.
Samantala, sa 14th Mekong-ROK Foreign Ministers’ Meeting, pinagtibay ng South Korea at mga bansang kabilang sa Mekong region ang kanilang partnership upang harapin ang climate change, transnational crime, supply chain disruptions, at iba pang hamon sa rehiyon.
Ngayong araw, Hulyo 24, bago pormal na magsara ang isang linggong kaganapan ay isasagawa ang iba’t ibang aktibidad kaugnay ng Treaty of Amity and Cooperation o TAC, bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng kasunduang nagsisilbing mahalagang haligi ng kapayapaan, pagtutulungan, at mapayapang ugnayan ng mga bansa sa rehiyon.