Posibleng humingi ng opisyal na gabay ang House prosecution panel sa Senate Impeachment Court kung pinahihintulutan ang mga abogado ng magkabilang panig na magtanong upang linawin ang mga pahayag o katanungan ng mga senator-judge.
Ito ang sinabi ni House Prosecutor Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list, kasunod ng naging palitan nina Senator-Judge Robin Padilla at House Lead Prosecutor Gerville “Jinky Bitrics” Luistro sa pagdinig noong Miyerkules.
Matatandaang sinabi ni Padilla na wala umanong karapatan ang mga abogado na magtanong sa mga senator-judge matapos subukan ni Luistro na linawin ang komento ng senador tungkol sa mga huwes na may nakabinbing kaso.
Binigyang-diin ni Ridon na layunin lamang ng prosekusyon na makuha ang tamang interpretasyon sa mga patakaran ng korte at hindi hamunin ang awtoridad ng mga senador.
Iginiit din niya na mahalagang magkaroon ng iisang patakaran upang malinaw sa magkabilang panig kung kailan at paano maaaring magtanong ng clarificatory questions sa ilalim ng kontrol ng Presiding Officer.