Mananatili ang paggalang ng House Prosecution Panel sa Impeachment Court sa kabila ng patuloy na paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang naging pahayag ni House Trial Spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong nang tanungin ng media ukol sa pananaw ng kanilang kampo sa estilo ng pagtatanong ni Senator-Judge Robin Padilla.
Ayon kay Adiong, ayaw nilang magbakasakali o magbigay ng speculation sa mga hypothetical analysis.
Sa halip, umaasa na lamang ang mambabatas na makikita at maiintindihan ng korte ang bigat ng mga iprinisintang mga ebidensya.
Binigyang-diin naman ni House Trial Spokesperson Rep. Renee Co, na nasa kamay na ng mga senador-judge ang bola upang timbangin nang husto ang mga pahayag at testimonya ng mga iniharap na saksi.