Inirerekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pag-amyenda sa Local Government Code upang gawing regionalized approach ang sistema ng pangongolekta at pagtatapon ng basura.
Ito ay kasunod ng matinding pagbaha sa Metro Manila kung saan muling nakita ang pagbara ng mga basura sa mga kanal at daluyan ng tubig.
Paliwanag ni DILG Secretary Jonvic Remulla, nakatalaga sa mga lungsod at munisipalidad ang waste disposal kaya kanya-kanyang plano ang mga ito at hindi magkakaugnay.
Dahil dito, sinabi ng DILG na maaaring maging mas magastos at hindi episyente ang garbage collection, lalo na sa maliliit na munisipalidad na magkakahiwalay na kumukuha ng mga kontrata para sa paghakot ng basura.
Mungkahi ng kalihim na gawing regional program ang garbage collection upang magkaroon ng mas integrated na master plan at mas mahusay na paggamit ng resources.
Una nang ipinanawagan sa Kamara na imbestigahan ang mga ulat ng katiwalian sa pamamahala ng basura sa ilang lokal na pamahalaan.