Photo courtesy of CICC
Inihayag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na nakipagtulungan ang Roblox sa pamahalaan ng Pilipinas para palakasin ang mga hakbang laban sa online grooming, radicalization at posibleng pagpasok ng extremist groups sa platform.
Kabilang sa mga hakbang na isusulong ng Roblox ang pagsasama ng Philippine National ID system sa proseso ng user verification, pagtatatag ng lokal na tanggapan sa Pilipinas, at mas mahigpit na proteksyon para sa mga batang gumagamit ng messaging features. Ayon kay CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, mahalagang unang hakbang ito tungo sa mas ligtas na gaming environment para sa mga kabataan.
Gumagamit na rin ang Roblox ng AI-based age verification. Ang mga account na hindi sasailalim sa age check ay hindi makagagamit ng chat function at lilimitahan sa mga larong kabilang sa kids’ catalog. Bubuo rin ang platform ng mga hakbang upang matiyak na ang mga bata ay makikipag-ugnayan lamang sa mga user na kabilang sa kanilang age group.
Inaasahang magtatayo ang Roblox ng opisina sa Pilipinas pagsapit ng Oktubre upang mapabilis ang koordinasyon nito sa mga awtoridad kaugnay ng online safety at iba pang regulatory concerns. Kasunod ito ng pagpupulong ng mga opisyal ng Pilipinas, na pinangunahan ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda, at mga executive ng Roblox sa Singapore.
Mas naging mahigpit ang pagtutok ng pamahalaan sa Roblox matapos itong maiugnay sa mga imbestigasyon sa ilang insidente na kinasasangkutan ng mga kabataan. Sinabi naman ng CICC na patuloy nitong pag-aaralan ang iba pang safeguards para sa online gaming platforms at magsasagawa ng town hall meeting kasama ang mga web developer upang makuha ang kanilang suhestiyon sa mas epektibong gaming safety measures.