Inaasahan ng House prosecution panel na makapagbibigay-linaw ang dalawang opisyal ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa paggamit ng military certifications sa liquidation ng confidential funds ng Department of Education noong 2023.
Magsisilbing testigo ng prosekusyon sina retired Colonel Manaros Boransing II at Colonel Magtangol Panopio, na inaasahang magpapaliwanag kung paano ginamit ang kanilang mga sertipikasyon sa pagtugon ng DepEd sa audit findings kaugnay ng confidential fund noong panahon na kalihim pa ng ahensya si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega, makatutulong ang kanilang testimonya upang mabuo ang mga detalye na hindi pa malinaw sa mga naunang pagdinig, kabilang kung paano ginastos at kung saan napunta ang pondo.
Iginiit naman ni House Impeachment team Adviser at Spokesperson Ace Barbers na dapat mapanatili ang pagiging neutral at apolitical ng AFP.
Aniya, kailangang matukoy kung alam ng mga military officer na gagamitin ang kanilang mga sertipikasyon sa proseso ng liquidation o kung ginamit ang kanilang mga lagda nang hindi lubos na ipinaalam sa kanila ang layunin ng mga dokumento. | ulat ni Kathleen Forbes