Photo courtesy of CICC
Nangako ang Meta, parent company ng Facebook, na paiigtingin ang pagtugon nito sa mga mapaminsalang AI-generated deepfakes at mga lehitimong kahilingan ng pamahalaan kaugnay ng mga imbestigasyon sa cybercrime.
Ayon kay Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso, nakipagkasundo ang Meta sa Department of Information and Communications Technology (DICT), CICC, National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement agencies para mas mabilis na matukoy at maalis ang deepfake content na ginagamit laban sa mga indibidwal.
Kasama rin sa napagkasunduan ang mas mabilis na pagbibigay ng kaukulang user credentials at data sa mga awtoridad na nag-iimbestiga sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC), child sexual abuse and exploitation material (CSAEM), obscene content at iba pang online abuse, alinsunod sa mga umiiral na batas at legal na proseso.
Sinabi ng CICC na dahil dito, pansamantalang isinasantabi ng pamahalaan ang posibilidad na ipagbawal ang Meta sa Pilipinas. Ayon kay Paraiso, “banning is the last option” habang inaasahang maisasalin sa aktuwal na mga hakbang ang mga bagong kasunduan para sa mas ligtas na internet, lalo na para sa mga bata at iba pang vulnerable na user.