Kasado na ang mga inihandang mitigation measure ng Department of Agriculture (DA) para sa inaasahang epekto ng El Niño sa bansa.
Sa isang panayam, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na inaasahan na nila ang pagkakaroon ng agricultural drought sa ilang sakahan, kung saan itinuturing na nila itong hopeless case dahil natatanggal na ang lahat ng moisture sa lupa kaya hindi na ito maaari pang taniman.
Kaya naman ang ipinatutupad ngayong pamamaraan ng DA ay ang pagbibigay ng dobleng suporta sa mga lugar na may natitirang water source at reservoir upang mas mapataas ang kanilang produksiyon, sapat para mapunan ang mga lupaing ikinonsidera nang may agricultural drought.
Ilan sa mga suportang ibinibigay ay mga binhi, punla, at pataba upang masalag ang epekto ng El Niño.
Inaasahan namang pinakamatinding tatamaan ng strong El Niño ang Regions 1, 2, at 3, gayundin ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao.