May naitala na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na 1,300 pamilya o katumbas ng 6,219 indibidwal na apektado ng matinding pag-ulan dulot ng Habagat sa ilang bahagi ng Mindanao.
Ayon sa DSWD, kabilang sa mga pinakaapektadong lugar ang Zamboanga Peninsula at SOCCSKSARGEN.
Sa kabuuang bilang, nasa 900 pamilya ang pansamantalang nananatili sa mga evacuation center, habang mahigit 400 pamilya naman ang nakikituloy muna sa kanilang mga kaanak.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan para matiyak ang maagap na paghahatid ng pagkain at iba pang kinakailangang tulong sa mga apektadong residente.
Bilang bahagi ng disaster response, agad na nagpadala ang DSWD ng mga Family Food Packs (FFPs) sa ilang apektadong komunidad, kabilang ang Calumpang Gymnasium sa General Santos City, para matiyak na may nakahandang pagkain para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha.