Sinisiguro ng mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na benepisyaryo ng UPLIFT program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na magagamit at makatutulong sa pang-araw-araw na gastos ng kanilang pamilya, lalo na sa pag-aaral ng kanilang mga anak, ang P2,000 tulong pinansyal na kanilang natanggap.
Ayon kay Lorna Orias isang miyembro 4Ps, natanggap na nila ang tulong pinansyal mula sa pamahalaan at tinitiyak niya na magiging tuloy-tuloy na ang pasok ng mga anak niya sa paaralan sa loob ng ilang linggo.
Ibinahagi rin ni Lorna sa naging panayam nito sa Radyo Pilipinas World Service na malaking kaginhawaan sa kanilang pamilya na mapabilang sila sa 4Ps dahil noon ay halos kayod-kalabaw na ang kaniyang asawa sapagka’t sa araw ay nagtatrabaho ito sa bukid at sa gabi naman ay namamasada ng tricycle maitaguyod lamang ang kanilang pamilya.
Aminado mang hindi ganoon kalaki ang tulong para sa kanilang pangangailangan, ipinagpapasalamat pa rin nito ang natatanggap na ayuda.
Lubos din ang pasasalamat ni Lorna sa pamahalaan at sa DSWD kalakip ang panawagan para sa tuloy-tuloy na ayuda lalo ngayong patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.