Photo courtesy of PHIVOLCS
Mahigit pitong buwan nang nananatiling nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon dahil sa patuloy nitong mataas na aktibidad.
Sa pinakahuling ulat ng PHIVOLCS ngayong Hulyo 25, 2026, naitala sa nakalipas na 24 oras ang 16 rockfall signals at isang volcanic earthquake.
Naitala rin ang pagdaloy ng lava sa Basud Gully (3.8 kilometro), Bonga Gully (3.2 kilometro), at Mi-isi Gully (2.7 kilometro).
Ayon sa PHIVOLCS, umabot sa 2,630 tonelada kada araw ang sulfur dioxide (SO₂) flux ng bulkan batay sa pinakahuli nitong monitoring noong Hulyo 24.
Napagmasdan din ang katamtamang pagsingaw ng plume na tinangay ng hangin patungong silangan-hilagang-silangan.
Naitala rin ang patuloy na pamamaga ng bulkan, bagama’t may panandaliang pag-impis sa hilagang-silangang bahagi nito.
Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan dahil sa banta ng pagputok ng bulkan at iba pang kaugnay na panganib.