Photo courtesy of PHIVOLCS
Nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan, na nangangahulugang may mababang antas ng pag-aalburoto o bahagyang aktibidad.
Batay sa pinakahuling ulat ng PHIVOLCS ngayong Hulyo 25, 2026, walang naitalang volcanic earthquake sa nakalipas na 24 oras.
Samantala, umabot sa 68 tonelada kada araw ang sulfur dioxide (SO₂) flux, batay sa pinakahuling pagsukat noong Hulyo 8. Naitala rin ang panandaliang pamamaga ng bulkan.
Sa kabila nito, patuloy na nagbabala ang PHIVOLCS na maaari pa ring magkaroon ng biglaang phreatic o steam-driven explosions.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong (4 km) radius ng Permanent Danger Zone (PDZ), gayundin ang pagpasok nang walang pag-iingat sa dalawang kilometrong (2 km) Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi ng bulkan.
Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng Bulkang Bulusan dahil sa posibleng panganib na dulot ng biglaang pagputok at pagbuga ng abo.