Nananatiling prayoridad ng Philippine National Police (PNP) ang paggalang sa karapatang pantao kasabay ng pagpapatupad ng mahigpit na seguridad para sa State of the Nation Address o SONA 2026 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay NCRPO Director PMGEN Anthony Aberin, inaasahang paiiralin ng lahat ng naka-deploy na pulis ang pinakamataas na antas ng disiplina, pagiging alisto, at paggalang sa karapatang pantao. Mahigpit ding ipinag-utos ang pagsunod sa Police Operational Procedures, paggamit ng maximum tolerance, at pagpapanatili ng propesyonalismo sa pakikitungo sa publiko.
Hinikayat naman ng NCRPO ang publiko na makiisa sa ipatutupad na mga hakbang sa seguridad, sundin ang mga traffic advisory, at agad na iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang matiyak ang isang ligtas at mapayapang SONA 2026.
Kaugnay nito, aabot sa mahigit 21,000 pulis at augmentation forces ang ipinakalat ng NCRPO mula sa iba’t ibang yunit ng PNP upang tiyakin ang ligtas, maayos, at mapayapang pagdaraos ng SONA sa Hulyo 27. Nauna na ring nagsagawa ang mga opisyal nito ng inspeksyon sa mga pangunahing deployment area sa paligid ng Batasang Pambansa upang tiyakin ang maayos na puwesto ng mga tauhan, koordinasyon ng mga yunit, at kahandaan sa anumang posibleng insidente.