Iginiit ng Bureau of Immigration (BI) na hindi ito nagpakalat ng mali o gawa-gawang impormasyon kaugnay ng umano’y planong pag-alis ng bansa ni dating House Speaker Martin Romualdez, kasunod ng hiling ng kampo nito na bawiin ang naunang pahayag ng ahensya.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang inilabas na impormasyon ng Bureau ay tugon lamang sa mga lehitimong katanungan ng media at nakabatay sa datos na hawak ng ahensya sa panahong iyon.
Nilinaw niyang ang tinutukoy ng BI ay ang umano’y planong biyahe ni Romualdez noong Abril 2026 na hindi natuloy. Aniya, hindi ang BI ang nagsimula ng pampublikong usapin at nanatili lamang ito sa pagbibigay ng impormasyong saklaw ng mandato nito.
Nauna nang nagpadala ng demand letter ang kampo ni Romualdez upang hilingin ang pagbawi sa pahayag ng BI, matapos igiit na mali ang impormasyon na nagbigay ng impresyon na sinusubukan nitong umalis ng bansa. Binigyang-diin ng BI na patuloy itong magbibigay ng tapat, tumpak, at responsableng impormasyon sa publiko habang iginagalang ang due process, karapatang pantao, at umiiral na batas.