Photo courtesy of BPI's website
Itinalaga ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) si Dino R. Gasmen bilang Assistant Governor para sa Financial Markets, epektibo Enero 18, 2027.
Papalitan ni Gasmen si Senior Assistant Governor Edna C. Villa, na magreretiro sa BSP sa Enero 15, matapos ang mahigit 40 taong paglilingkod.
Inaprubahan ng Monetary Board ang appointment ni Gasmen nito lamang Hulyo 16. Para matiyak ang maayos na turnover, magsisimula siyang maging Technical Advisor sa BSP sa Nobyembre 3 ngayong taon.
Sa bagong tungkulin, pangangasiwaan ni Gasmen ang open market operations, pagpapatupad ng foreign exchange policy, pamamahala ng international reserves ng bansa, at kaugnay na risk management. Mahalaga ang mga ito sa pagpapanatili ng katatagan ng presyo at sistema ng pananalapi.
Si Gasmen ay nagmula sa BPI, kung saan nagsilbi siyang Executive Vice President, Treasurer, at Head of Global Markets.
May 17 taon din siyang karanasan sa HSBC Global Markets. Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., ikinalulugod ng Bangko Sentral ang pagdating ni Gasmen sa kritikal na posisyong ito, kasabay ang pagkilala sa mahalagang naging ambag ni Villa sa institusyon.