Photo courtesy of Department of Tourism
Hinikayat ng Department of Tourism (DOT) ang mga negosyante at mamumuhunan mula sa ASEAN na palawakin ang kanilang investment sa sektor ng turismo sa Pilipinas, bilang bahagi ng layunin ng pamahalaan na gawing pangunahing tagapagpasigla ng paglago ng ekonomiya ang turismo.
Sa pagtitipon ng mga business leader at investor na inorganisa ng Ikhlas Capital sa Intramuros, sinabi ni Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na layon ng DOT na gawing mas kaakit-akit sa pamumuhunan ang mga pangunahing destinasyon sa bansa sa pamamagitan ng mas maayos na imprastraktura, digital connectivity, at mas matibay na ugnayan ng pampubliko at pribadong sektor.
Kabilang din sa prayoridad ng ahensya ang pagpapalakas sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority o TIEZA bilang pangunahing katuwang sa paghimok ng mga tourism investment. Itinampok din ang limang flagship Tourism Enterprise Zones at ang pagpapalawak ng mga hotel, convention facilities, cruise tourism, wellness, sports, halal, at eco-tourism.
Ayon sa DOT, layunin nitong makahikayat ng mas mataas na halaga ng pamumuhunan at mapalago ang turismo hindi lamang sa dami ng mga bumibisita, kundi sa kalidad ng kanilang karanasan at ambag sa ekonomiya, kasabay ng pagpapalalim ng ugnayan ng Pilipinas at ng mga bansa sa ASEAN.